Magandang araw po sa lahat.
Una sa lahat, kami po ay lubos na nalulugod at nagagalak na makadaupang palad po kayo dito sa aming website. Nagpapasalamat po kami at kayo’y nakarating dito sa aming lumalaking komunidad sa internet para sa mga Pinoy.
Kahapon po ay isang record-breaking event sa aming website sa lahat ng stats – signups, number of visitors, page views, votes, comments, shoutbox messages etc – lahat po ay all time high. Ang ating pong server ay naghingalo ng saglit sa dami po ng bisita. Lalo’t higit, halos sumabog po ang ating Shoutbox sa naghuhumiyaw nyong mga damdamin na tila baga sinisilihan sa sidhi na maiparating sa lahat ang inyong mga saloobin.
Pinilit po namin kayong payapain at pahupain subalit sa kabila po niyon hindi po sapat ito dahil sa dami ng nagbababangayan ng sabay sabay at di na po kami pinakikinggan. Kaya po nagdesisyon kami na pansamantalang isara na rin ang Shoutbox dahil punong-puno na po ito kahapon ng mga galit, sama ng loob, pangungutya at mga paratang na disinsanay di na natin binanggit pa dahil hindi naman po yaon makakatulong sa ating kampanya at sa inyong mga kandidato.
Ngayon, nais lamang po naming ipaalala sa inyo na ang atin pong website PinoyTop10.com ay hindi “hate” site. Hindi po ito itinayo upang laiitin, alipustain, paratangan at pagalitan ang sinumang kandidato, tao man o hindi. Ang aming pong intensyon ay alamin at ibahagi po sa inyo ang pulso ng mamamayang Pilipino sa internet sa pamamagitan ng malinis, maayos at malayang botohan na nagpapakita ng agaran at real-time na resulta at ranking sa inyong pagboto.
Simulat simula pa, ito na po ang aming panuntunan dito sa PinoyTop10. Mababasa nyo po ito sa aming mga updates mula po ng magumpisa kami sa internet. Ginagawa po namin ang lahat upang maging patas, maayos at kasiya siya sa lahat ang botohan na ito kaalinsabay na rin naman ang patuloy na pagpayapa, pagsensora at pagpigil sa mga damdaming nagpupuyos sa galit at poot kung minsan. Alam po namin na hindi po namin maaalis ito kaninuman sapagkat tayo’y tao rin lamang. Kaya nga po kami ay nakikiusap sa inyo na sana ay mapanatili nyo ang inyong kahinahunan sa kabila ng inyong mga sama ng loob, galit at panggigigil. Ganun din po naman ang aming gagawin.
Ang mga pangungutya, pagalipusta, pagmumura at pagalit ay hindi po naaayon sa ating misyong makapagbigay ng tamang pagbabatayan para iboto po ang inyong mga kandidato. Wag po nating gawin ang mga bagay na ito. Tandaan po natin na tayo, bilang mga tagasunod at suporter ng ating mga iniidolo, ay nararapat lamang magpakita ng maayos na pananaw at disposisyong naayon na rin sa gawi, kilos at gawa ng inyong mga kandidato. Marahil po naman ay hindi nagpapakita ng masamang ehemplo ang inyong mga kandidato. Kung gayon nga, sana po naman ay isaalangalang po natin iyon at wag ilagay sa alanganin ang inyong mga sinusuportahan.
Hinihiling po namin sa inyo na sana po ay sumunod po tayo sa mga panuntunang ito na binanggit ko sa taas. Wala po kaming masamang intensyon sa sinuman sa aming mga panuntunan. Matagal na po namin itong pinapatupad sa website na to. Bagkus, ito po ay isang paraan upang proteksyunan ang inyong mga boto, mga kandidato at mga sarili. Ito po ay para sa lahat upang maging kaayaaya po itong ating komunidad sa internet.
Maghunos dili po tayo mga kababayan at pilitin po nating maging sibil sa kabila ng mga pangungutya at galit ng iba. Inuulit ulit ko po ito upang sana’y walang anumang mga pagaaway at pagmumurahan ulit na mangyari sa ating website. Datapwat kung magkagayon muli, mapipilitan po naming isara ang ibang serbisyong pangkuminikasyon kagaya ng Shoutbox at mga Comment box alang alang sa lahat ng mga botanteng maayos naman pong nakikilahok sa ating eleksyon dito sa PinoyTop10 mula pa noong tayo ay magumpisa. Karapatan po namin bilang Administrador na gawin ang lahat upang maisaayos po ang botohang ito. Nawa’y maintindihan nyo kami sa aming pinangagalingan.
Inuulit ko po. Wala pong dahilan para tayo magkagulo at magaway-away dito sa PinoyTop10. Makakasiguro po kayo na kaming mga Admins ay hindi natutulog sa pagbabantay sa inyong mga boto at inyong mga kandidato. Ginagawa po namin ang lahat upang maging malinis at patas po ang labanan. Sa inyo naman, hinihiling lang namin na gawin po natin ang tama at yun po ay suportahan ng maayos at iboto po ang inyong mga kandidato dito sa PinoyTop10.com. Yun lamang po.
Maraming Salamat Po at Magandang Araw sa Inyong Lahat.
PinoyTop10.com Admin
